Buhay sa Labas ng Selda: Mga Karanasan at Laban ng Angat 2


Matapos ang anim na taon ng pagkakakulong, ikinwento ng Angat 2 ang kanilang naging karanasan at ang kanilang tuloy na paglaban para sa karapatan ng mga maralita.


Noong ika-4 ng Pebrero, ganap nang nakalaya sina John Griefen (Gap) Arlegui at Reynaldo (JR) Viernes, o mas kilala bilang Angat 2, matapos ang anim na taong pagkakakulong. Ilan lamang sina Gap at JR sa napakaraming mga bilanggong pulitikal na kinastiguhan at pinaginitan ng estado nang dahil sa kanilang mga gawain bilang mga aktibista at tagapagtaguyod ng karapatang pantao. Sina Gap at JR ay mga masikhay na mga organisador ng Kadamay, isa sa mga organisasyon na kasama namin na tumataguyod para sa karapatan ng mga maralita at mga impormal na mga manggagawa. Nabigyan ng pagkakataon ang Inklusibo na makapanayam sila ukol sa kanilang mga karanasan at mga hangarin matapos ang mahabang laban sa loob ng bilangguan at narito ang naging daloy ng usapan.

Pagmulat, paglaban, at pagmamaltrato

Naging bahagi ng Kadamay sina Gap at JR sa kasagsagan ng Occupy Pandi Movement noong 2017. Nagsimula silang mamulat nang dahil tumitinding krisis sa pabahay at sa pagsasawalambahala ng gobyerno sa hinaing ng mga maralita. Matatandaan na sumiklab ang Occupy Pandi Movement nang dahil sa palpak na programang pabahay ng pamahalaan na kung saan karamihan sa mga bahay na itinayo sa Pandi ay ‘di mapakinabangan dahil malayo ito sa kabuhayan at akses sa mga batayang mga institusyon tulad ng paaralan at ospital, kawalan nito ng akses sa kuryente at tubig, at sa pagka-substandard ng paggawa sa mga bahay. Habang ang malawak na hanay ng maralita ay naghihintay para mabigyan ng pabahay, naiwang tiwangwang at ‘di napapakinabangan ang mga bahay sa Pandi kung kaya’t naudyok ang mga maralita na kasahin ang Occupy.

Noong 2019, sa kasagsagan ng pangangampanya para sa eleksyon, sinundan ng pulang kotse sina Gap at JR matapos ang mahabang araw ng pangangampanya para kay Atty. Neri Colmenares at sa Bayan Muna partylist. Paghantong sa isang simbahan sa kahabaan ng Angat-Pandi road, hinarangan sila ng apat na lalaking nakasuot ng bonnet, isang van, at ilang mga motorsiklo. Dinakip sila at pinilit na umamin na sila ay mga komunista kahit wala itong substansyal na basehan. Inalala ni Gap ang matinding danas nila sa kamay ng estado. Sa panayam niya sa Bulatlat, isiniwalat niya na habang sila ay nasa loob ng sasakyan sila, “tinakluban ang kanilang mga mata at pinosasan” sila ng mga dumakip sa kanila at di kalauna’y “kinuryente at binugbog” din sila. 

Buhay sa loob ng selda

Isiniwalat nina Gap at JR ang samu’t saring mga kadahilanan ng pagkakakulong ng mga tao. Iba-iba ang mga naging dahilan nila, ngunit ang tumingkad sa kanila ay ang dami ng mga bilanggo na napagbintangan at nadawit lamang sa kaso ng droga at iba pang mga gawa-gawang kaso. Hindi rin bago na may mga bilanggo na hinuhuli o bumabalik ng bilangguan nang dahil lamang pinag-iinitan sila ng mga pulis.

“Matampok yung usapin ng drugs na kaso sa kanila. ‘Yung iba, merong mga napagbintangan lang. May iba mga dating nakulong sa ibang kaso na pinag-initan ng pulis, hinuli na lang ulit para mabalik sa loob ng kulungan.” – Gap Arlegui

Naisiwalat din sa kanila ang kabulukan ng sistemang bilangguan nang dahil din sa mga patakaran na ipinapatupad. Mula sa kanilang mga ala-ala, nasabi na halos ang mga bilanggo ang sinisingil para sa pagpapagawa ng mga patrol, pag-aayos ng gate, opisina, ultimo pati pagpapagawa ng hagdanan. Bukod pa ito sa malawakang pamemera sa mga bilanggo at sa pamilya nila. Hindi rin maipagkakaila na kapag wala kang dalaw ay halos wala ka ring makakain na maayos.

“Kahit birthday nila sa amin din kinukuha. Tapos nagkakaroon ng [search], babayaran mo sila para di hahalughugin ang mga kagamitan mo dun sa loob ng kulungan. Tapos kapag wala kang ID, kelangan mo magbayad. 300 isang tao.” – JR Viernes

“Kahit yung sa pagkain, kelangan naka-plastic. Ngayon, kung galing ka pa sa malayo, pag di nakaplastic yung dala mong pagkain, bebentahan ka nila ng plastic. Mga 70 pinakamababa. Kakakawkawin nang kakawkawin nila yung pagkain para makita nila kung may illegal ba.” – Gap Arlegui

“Sa utang, kung may utang ka na 10 piso. Pag di ka nakabayad, ang pinakamababang pagbabagsakan mo eh pagkakalkal ng basura, paglilinis ng kanal, bartolina. Pero kung lalagpas ng 100, bugbog. Matatanggalan ka ng higaan. Mara-raffle ka pa ng ibang selda.” – Gap Arlegui

Ayon sa United Nations, ang Pilipinas ay isa sa mga may pinakamataong bilangguan sa mundo na kung saan umaabot ng 322% ang dami ng mga bilanggo sa mga selda. Kumpirmado rin ito sa karanasan nina Gap at JR na kung saan halos umaabot mula 50 hanggang 102 ang bilang ng mga tao sa isang selda. 

Hindi rin nakatulong sa kanila ang mabagal na proseso ng hustisya lalo’t nauuwi sa teknikal at maburukrasyang proseso ang paglilitis sa kanila. Ani ni Gap, hindi napapansin ng unang hukom na naglitis sa kanilang kaso na napapatagal na ang proseso nang dahil sa sari-saring dahilan ng arrest team, nadadalasan din ang pag-reset ng mga pagdinig sa kanilang kaso at nakailang palit na sila ng hukom bago malitis ang kanilang kaso. Ngunit kahit na mabagal ito, hindi sila iniwanan ng Kadamay sa kanilang laban kung kaya’t lalong tumibay ang kanilang loob na harapin ang bawat araw.

“[Ang Kadamay ang nagbigay ng] suportang pinansyal, suporta sa abogado, moral support, sa lahat eh. Kung paano kami kumonekta sa pamilya namin, sa pagdalaw. Sila ang gumagawa ng paraan. Lahat-lahat.” – Gap Arlegui

“[Mas lumaban ako nang dahil sa] tulong. Kumbaga maging aral ‘yung ganung bagay, mga nangyari. Tapos wag nang bumalik dun dahil sa hirap ng danas namin doon. Ipe-perwisyo ka nang husto. Aral na sa amin ‘yun.” – JR Viernes

Diwa ng Kolektibong Aksyon at Pakikibaka

Matatandaan na binitbit ng maraming sektor mula 2019 ang kampanyang pagpapalaya kayna Gap at JR sa pamamagitan ng mga protesta hanggang sa pagbibigay ng legal na suporta sa kanila. Hindi maipagkakaila nina Gap at JR na ang kolektibong aksyon ang kanilang naging sandigan hanggang sa sila’y makalaya.

“Mas tumaas ang morale dahil dun sa ginawa ng mga kasama at sa masa – ‘yung tulong na ginawa nila sa amin. Sa loob ng 6 na taon, hindi kami pinabayaan. Mas nakaantig sa akin yung pagtulong na bumalik sa pagkilos. ‘Yun naman talaga ang buhay namin. Ito na yung tinahak naming buhay.” – JR Viernes

“Kumbaga matagal ko nang sinasabi sa mga kasamang pumupunta dun eh. Pagkalabas na pagkalabas, lalakad kaagad ako sa gawain kasi maraming panahon na nawala eh. Ito talaga ako eh. Anong gagawin natin?” – Gap Arlegui

Sa kanilang mga panayam, nasabi nila na hindi na bago ang ganitong palakad, ngunit alam nila na kaya sila nakikibaka ay dahil gusto nilang maging maayos at makatao lalo ang lipunan at nagsisimula ito sa paniningil sa estado na siyang nagpapanatili ng baluktot na sistema.

“Nung unang buwan, iniisip ko kung bakit nangyari sa akin ‘yun. Tapos parang hindi naman krimen yung pagpunta sa mga erya, ‘yung pagtalakay sa mga nararansan nila. Pero na-realize ko na normal lang pala ‘to – na makukulong ka or ‘yung pinakapanget eh yung mamamatay ka. Kasi dahil sa ayaw ng estado na magiging virus, magiging sakit sa gagawin nilang pagkamkam sa kung anumang kayamanan, pagnakaw sa karapatan ng mamamayan. Magagawa talaga nilang dumukot ng kapwa nating aktibista. Tapos ikulong sa loob ng kulungan. Magsampa ng gawagawang kaso. Sila yan eh. ‘Yun ang makinarya nila eh sa pagtutupad ng proseso na sila lang rin ang nakakaalam kung paano mag-maneobra kahit mali. Tska kasi syempre, hindi dapat laging naging ganito.” – Gap Arlegui

“[Kinakailangan ko na] mas lumubog sa dating gawain. Bumalik sa area. Syempre, di ka basta-basta makakabalik kung di ka magsisimula sa mababa. Kailangan pa rin na makibahagi ka sa ibang kasama tapos tulungan para manumbalik ‘yung dati naming pag-oorganize.” – JR Viernes

Sa kasalukuyan, aktibong sumasama sina Gap at JR sa mga gawain at kampanya ng Kadamay lalo na pagdating sa usapin ng katiyakan sa paninirahan. Hindi lumisan sa kanilang isip na magmulat, mag-mobilisa, magpakilos at magparami kahit na ilang taon na silang kinulong at namulat sa kabulukan ng sistemang panghustisya ng bansa. 

Ngayong anibersaryo ng Occupy Pandi Movement, ating alalahanin ang militansya ng libo-libong mga maralita na nagkamit ng kanilang karapatan sa paninirahan. Ang kwento nina Gap at JR ay ilan lamang sa napakaraming kwentong tagumpay ng mga maralita na lumaban para sa kanilang karapatan. 

Mabuhay ang Occupy! Ipaglaban ang Karapatan sa Paninirahan! Palayain ang mga Bilanggong Pulitikal!


 Nais din isama ng may akda na ikampanya ang pagpapalaya kay Frenchie Mae Cumpio at iba pang mga bilanggong pulitikal na pilit pinatatahimik ng pasistang rehimen. Hustisya para sa mga desaparacido!

Published on: